Tuwid na daan: Isang pagsusuri

0
703

Habang papalapit ang ang buwan ng Oktubre na buwan ng deadline para sa filing of the Certificate of Candidacy o COC, tumitindi rin ang init ng pulitika sa bansa, lokal man o nasyunal. N a p a p a n s i n nyo ba na kung bagaman at may mga malilinaw na presidentiables, ay malalabo naman ang mga pang-bise presidente? Si Sen. Antonio Trillanes lang yata ang simula ng mag-amoy pulitika na eh consistent ang ambisyon niyang maging bise presidente. Si Sen. Chiz Escudero ay tipong handa ring mag-bise kung hindi sila magkakalaban ng minamanok niya sa panguluhan na si Senadora Grace Poe! Sina Vilma Santos, Rep. Lenie Robredo,Sen. Alan Peter Cayetano, at iba pang nababanggit ay malabo pa sa sabaw ng pusit na kakasa nga sa vice presidency ng may kasiguruhan. Ang sabi tuloy ng ilang political observers ay baka raw sa bandang huli ay mas malupit pa ang sagupaan sa pangalawang pangulo kaysa sa panguluhan! Kaiba sa Pilipinas, sa Amerika ay tipong block voting ang posisyon ng Presidente at Bise. Ang boto kasi sa presidente doon ay boto na rin ng ka-tandem o ka-partido na pang-bise presidente. Sensible, sa tingin ko ang ganoong klase ng sitwasyon. Spare tire namang talaga ang bise sa kanyang Pangulo. Inaasahan siyang magdudugtong sa sistema ng governance, projects and programs ng Presidente kung may mangyayari dito – sa buhay o ma-incapacitate kaya sa paghawak ng tungkulin ang ibig naming sabihin. Makakasiguro ng continuity at hindi makakadiskaril sa nasimulan. Magkapartido, kaya magkapareho ang government programs. Pero hindi inutil ang bise president sa Amerika dahil awtomatiko siyang Senate President sa pagkahalal na bise presidente, bagamat itinuturing na medyo ceremonial. Sa Pinas, pwedeng mahalal na magkaibang partido ang presidente at bise, spare tire din ang huli pero walang garantiya ng continuity. Malamang kasi na didiskarte at magpapasikat ng kanya ang bise na maging pangulo dahil sa imatyuridad ng pulitika ni Juan na impluwensya ng nakasanayang pulitikang lokal! Kapag naman nagkataong mabait ang pangulo sa kanyang bise kahit hindi kapartido ay pwedeng malagay ang bise sa gabinete. Nasa diskresyon yan ng presidente. Training ground din yon ng bise kung sakaling humalili siya sa pangulo, lalo pa kung sa importanteng cabinet position siya itatalaga. Kaya lang, dahil hindi kapartido, halimbawa, eh di baka sa konsuwelo de bobong posisyon mapatunganga! Tingnan na lang natin ang nangyari kina PNOY at bise presidente Jejomar Binay. Palibhasa’y hindi magkapartido, kahit sinasabing magkaibigan ang pamilya, ay nagbabangayan na rin sa pulitika habang lumalapit ang 2016. Ang gusto raw ni PNOY ay continuity ng DaangMatuwid! Si Binay naman ay “palpak daw at manhid ang gobyerno ng daang matuwid!” Kung nagkataong magkapartido si Noynoy at Binay ng nahalal noong 2016, malamang na sure nga ang continuity! Nalagay pa sa gabinete ni PNOY si Binay sa nakaraang 5 taon. Bukod sa pagiging survey topnotcher, ito siguro ang ang nagtulak kay PNOY para ikonsidera si Sen. Grace Poe para makabalikat sa Liberal Party. Nagkaroon kasi ng statement ang senadora ng paniniwala at pagtataguyod sa daang matuwid. Independent si Poe at naniniwala marahil si PNOY na maluwag niya itong mababatak sa Partido Liberal. Naniniwala kaming ang disenyo ni PNOY kay Poe sa simula pa lang ng pagpapakita ng interes dito ng presidente ay talagang pang-bise lang ni Mar Roxas sa 2016 na pwedeng magsulong din ng continuity sa Daang Matuwid sa 2022 pagkatapos ni Roxas. Hindi kasi pwedeng balewalain ni PNOY ang selflessness ni Roxas noong 2010 ng magbigay daan sa kanya. Handa ng karerin ni Roxas ang presidency contest noon. Pero nagsakripisyo at nagbigay kay Noynoy dahil na din sa sentimyento publiko, na bunga ng Cory magic. Hindi rin naman pwedeng sabihing ang pagkakapili ni PNOY kay Roxas ay dahil lang sa utang na loob. Dahil kung kwalipikasyon sa pagkapangulo ang pagbabatayan ay pasado ito with flyingcolors – pinag-aralan, eksperiyensya, integridad. Huli nga lang sa surveys! Pero survey lang ba dapat ang kwalipikasyon? Balikan muna ulit natin ang sinasabi naming continuity ng daang matuwid na pangarap ni PNOY. O tawagin na nating party agenda ng liberal. Ang mga eskeptiko pati ng mga kalaban ni PNOY at ng Liberal Party ay tinatawag itong Liberal Party Grand Plan para sa mahabang panahon na pag-hawak ng kapangyarihan. 18 years daw mula kay PNOY hanggang kay Grace Poe. Tinatawag pa ito ng ilan bilang pagtataguyod raw ng diktadurya! Suriin nga natin. Grand Plan, Liberal Party Political Agenda, kung sa akin lang eh ano naman? Kailan pa kwestyunable ang malawakang pagpa plano ng isang partido pulitikal? May partido bang aayawan ang laging nasa poder? Wala! Ano pa! Party agenda? Eh ano rin? Ang mga karaniwang organisasyon ay may agenda rin! Ang agenda at plano ay larawan ng kahandaan ng organisasyon. Ang masama ay kung isasagawa ang agenda at plano sa hindi tamang paraan, iligal at/o ipipilit ng dahas! Kapag ginawa naman yon ng Liberal, eh di hindi na tuwid na daan? Magagawa ba yon ni PNOY sa anim na taon? Si Marcos 20 years na nagawa kasama na ang Martial Law pero nagwakas din! Diktadurya? Nag-eeleksyon, gumagana ang civil government, buhay na buhay ang basic constitutional rights lalo na sa pamamahayag! Diktadurya? Wow ha!? Continuity ito, sabi ng Liberal Party. Basahin natin si PNOY. Anuman anyang gains ng tuwid na daan sa administrasyon ni PNOY ay simula lang. kung babasahin ang deklarasyong ito ng pangulo sa pagitan ng mga hanay, ay tama ang suspetsa ng mga eskeptiko. Kung may simula, may gagawin pa, at may pagtatapos pa marahil. Pero ang kahulugan hindi pa tapos. Eh paalis na si PNOY, tapos na ang termino! Hindi naman diktador, para igiit ang sarili sa pagpapatuloy ng tuwid na daan. Ang kailangan anya, continuity lang. Parehong ruta, ibang driver na. Dahil bayan ang magpapasya sa 2016 kung gusto pa ba ng tuwid na daan, kailangang katigan ng bayan ang napili niyang magmamaneho. Pero hindi naniniwala si PNOY na kaya ring tapusin ni Roxas hanggang 2022 ang sinegundahang sinimulan niya. Nananalig siyang si Grace Poe ang kukumpleto ng tuwid na daan sa 2028. May agenda nga – continuity ng tuwid na daan. May grand plan nga – manalo sa eleksyon ang mga drivers sa tuwid na daan mula 2010 hanggang 2028. Mga paraang demokratiko at konstitusyonal. Hindi ko alam kung kailan na-conceptualize ni PNOY ang pangarap. Ito ba’y buo na bago pa man malagay sa poder o hinabi lang ng anim na taong pagsisimula! Anuman, kung magawa niya ito ay sigurado na ang tala niya sa kasaysayan bilang bisyunaryo. Ang problema ni PNOY, wala sa kanya ang kontrol. Pagkatapos ng kanyang termino ay malilipat na ito sa manghahalal. Kapag naniwala sa kanya ang mga ito at inilagay ang mga pinili niyang dapat magpatuloy sa tuwid na daan, nasa pinili naman nila ng bayan ang kontrol. Magpapatuloy ba ang pagtahak sa tuwid na daan ng tagakontrol? Hindi ba hihiwalay ng landas ang mga kasama sa paglalakbay? Mahirap tugunin ng may kasiguruhan, palagay namin. Sa ganitong panahon na nga na hawak ni PNOY ang kontrol sa biyahe, may mga kasamang nakikisakay lang, inuumit pa ang ibinabayad ng ilang pasahero, inililigaw ng daan ang driver, may nakiki-alam sa manibela, niyuyugyog ang sasakyan, pinapatay ang ilaw, pinapalitan ang mga signboards, nangongomisyon sa piyesa, overpriced ang bayad sa flat tire at car wash, dinidispalko ang boundary! Kapag hindi mo naintindihan yan eh napaka-naive mo naman! “Mar-Poe,” oo nga, nadidinig namin kayo! Pero mamimili ba naman kayo ng pasahero? Baka pati mandurukot, snatcher, holdaper, at salisi gang eh isakay ninyo? Hindi pwedeng pa-bebe lang kahit sa mga kapartidong manggagantso! Ang tuwid na daan, hindi lang dapat si PNOY. Kung kailangan dito ang integridad, dapat party integrity para magkaroon ng continuity, pero aminin nating wala pa sa ganitong antas ang Liberal Party. Baka naman sabihing – “impossible dream yan!” Siguro nga, kahit pa tawagin mo siyang “shangrila,” o ano pa mang bansag, ganon pa rin ang katotohanan. Ang tuwid na daan ay hindi na lang basta sloganeering kay PNOY. It transformed into something more noble for him. Nagsimula bilang simpleng catch words o tag line para magbigay ng emphasis sa kamalayan ng mamamayan na kung gusto ng pagbabago ay “tena sa tuwid na daan.” Una’y tumutukoy lamang sa malawakang graft and corruption sa pamahalaan, ngayon ay ginagamit na rin bilang bahagi ng pamamahala at estratehiya sa pagpapaunlad. Wang-wang mentality ang unang binira ni PNOY ng maupong presidente. Sino bang Pinoy ang hindi makaka-alam ng madalas na ito ang kasangkapan ng mga abusado at naghahari-harian para ipakitang kakaiba sila sa karaniwan. Nagbigay empasis ito sa kalagayang ang nasa kapangyarihan ay dapat na walang pagmamalabis. Pagka-upo pa lang, ipinatigil pansamantala ni PNOY ang mga Govt. projects at isinalang ito sa review kung ito ba ay above board o hao-shao. Halos inabot ng isang taon

ang suspensyon, siguro’y sa dami ng kwestyunableng infra projects. Nagresulta tuloy sa underspending na sandaling naka-apekto sa ekonomiya ng bansa. Pero nakapagpatipid sa public funds dahil sa nabukong pangungurakot at pagsasa-ayos ng paggasta. Hindi perpekto, pero napaamo kahit papaano ang mga nagwawalang katiwalian sa public works. Ang hindi pa maawat, dahil kumukurit pa rin, ay ang mga nakikisakay lang sa tuwid na daan ni PNOY na ang interes ay pork barrel para sa komisyon kundi man, ghost projects. Na-tame sandali ng bumulaga si Napoles pero napapalusot pa rin sa mga budget insertions dahil nagbabaka-sakaling dahil kailangan sila ni PNOY ay pwedeng magpa-bebe! Sa madaling salita, sa kabila ng imperpeksyon ng tuwid na daan ni Aquino ay lumikha rin ito ng pagbabago – growth rate na stable at unprecedented, international confidence na baka makapagpasulong ng higit pang foreign direct investments, pagpapanatili ng trust ratings ni PNOY na repleksyon ng tiwala ng tao sa kanyang tuwid na daan. Ang tuwid na daan naman kay Mar at Grace. Si Mar Roxas at Grace Poe ay nadinig na naming may commitment sa tuwid na daan. Si Roxas tila ito pa ang battle cry para kasabay na ring mabigyan siguro ng diin sa followings ni PNOY na ang simula ay dudugtungan niya. Aprub ito sa ilang political observers dahil nakapagpatibay raw ito para malipat kay Roxas ang sangrekwang boto noonni PNOY. kapaki-pakinabang daw ito kahit hindi pa 2016, dahil magbabago raw sa resulta ng mga surveys na kulelat si Roxas. Tila may pagbabago rin sa personalidad ni Roxas mula ng ma-indorso ng Pangulo. Nagiging pala-ngiti at mapagbiro na ito sa ilang nasaksihan naming interbyu sa kanya ng media. Ganoon din sa mga public functions na dinadaluhan na ipinapakita sa telebisyon ang mga kilos na malayo sa bintang ng pagiging elitista at suplado – sorties sa palengke na dumadampot pa ng isda at sa probinsya na kumakanta na, sumasayaw pa! Ang pagkukusa sa resignasyon sa DILG (kahit ayaw pang tanggapin ni PNOY) para umano maiwasan ang bintang na paggamit ng resources ng gobyerno sa kanyang pamumulitika ay baka makadagdag din sa positibong pananaw sa kanyang integridad. Si Grace Poe ay walang problema sa survey, bagaman hindi ito permanente. Sa integridad, sa mata ng publiko ay pasado din. Mukha ring lalo pang kumikinis habang binabato ng isyu ng citizenship at ng putik ng umano’y lasengga at pananakit sa kasambahay. Ayaw kagatin ng publiko ang paninira sa anak ng Panday! Ang hinihintay daw nila ay kapag napuno na ang salop ni Grace at sabihin nito sa mga kalaban na – tandaan mo! Isang boto ka lang! Sa yugtong ito, at habang isinusulat namin ang artikulo, ay wala pang linaw kung aabresyete ba kay Roxas bilang supporting actor, o leading lady ng sariling pelikula si Grace Poe. Kung maging bise ni Roxas, hinuhulaang formidable tandem daw sa 2016 ng Liberal Party. Kung mag presidente naman si Grace, si Chiz ang leading man bilang bise. NPC o Nationalist People’s Coalition raw ang partido. Paano na kaya ang tuwid na daan? Magagawa pa ba nito ang commitment sa prinsipyo kung iba ang makakasama at ibang partido? Ang NPC ay inorganisa ng tiyuhin ni PNOY na si Danding Cojuangco noong kumandidatong pangulo na tinalo ni Fidel Ramos. Buhat noon ay ito na ang padrino ng NPC. May mga ulat na nagsasabing ang president daw ng San Miguel Corporation at iba pang malalaking korporasyon sa bansa ang umano’y pangunahing supporter ni Grace Poe. Ang tinutukoy ay si Ramon Ang na protégé ni Danding Cojuangco. Kung nasaan si Danding, doon din daw si Ramon Ang! May report pang nagagamit na ni Grace Poe ang ang eroplano at helicopter ni Ang sa paglilibot! May political scuttlebutt pa na handa raw ang bilyonaryo na sumuporta sa campaign funds dito. Dahilan kung bakit hindi makuha ni Mar si Grace Poe. Dito may ilang agam agam ang ilang sektor ng niyugan. Si Danding Cojuangco ay nauugnay sa daang bilyong Coco Levy Fund na bagamat deklaradong public funds ay hindi pa napapakinabangan ng mga magniniyog. Hindi raw kaya maimpluwensyahan ni Danding si Grace kung maging presidente kaugnay sa pondo? Ang tanong? Maging factor pa kaya kay Grace Poe ang tuwid na daan? O mapamayani kaya nito ang sariling integridad laban sa utang na loob kung sakali kay Danding at Ramon Ang? Kahit pobre tayo, listo dapat!