2, patay sa drug buy-bust operation sa Lucena City

Napatay ng operatiba ng pulisya ang dalawang drug suspek sa Lucena City matapos umano nilang tangkaing paputukan ang mga otoridad na sana’y dadakip sa mga ito nang magpositibo sa drug buy bust operation sa Purok Greenhills Phase 1 Brgy. Market View sa Lungsod ng Lucena bandang 7:30 ng umaga Nobyembre 20.

Kinilala ang mga suspek na sina Christopher Supremo 43 anyos isang maninindahan, residente ng Brgy. Market View at si Hilario Torres, walang trabaho at residente ng Brgy. Cotta, kapwa umanong kabilang ang mga ito sa drug watch list ng Lucena PNP.

Ayon sa pulisya, nang malaman ng mga suspek na pulis ang kanilang katransaksyon, kaagad umanong bumunot ng baril ang isa at itinutuok sa arresting team subalit hindi pumutok.

Sumunod na bumunot umano ng baril ang isa pa dahilan para putukan ng mga operatiba ang mga suspek na siyang dahilan ng pagkakasawi ng mga ito.

“May hawak na 38, ‘yong isa may hawak na 45, so ‘yong nagfail ‘yong baril niya, doon na nagkaroon ng pagkakataon ‘yong mga pulis. Nakabunot din kasi ‘yong isang kasama niya. Umaga pa kasi ‘yon, maliwanag pa. Talagang nanlaban,” pahayag ni P/Supt. Reydante Ariza, Lucena City chief of police.

Narekober sa mga suspek ang kalibre 38 at 45 na baril at isang sachet na pinaninniwalaang shabu, 500 peso bill na nagsilbing mark money.

Ayon kay Ariza, ang mga ito ay dati ng sumuko sa oplan tokhang subalit bumalik sa dating gawain.