3rd district ng Quezon, kahulihan sa mauunlad na distrito sa Southern Tagalog, ayon kay dating DA Sec. Alcala

Pinakahuli raw ang ikatlong distrito ng Quezon na kilalang balwarte ng mga Suarez sa mauunlad na distrito sa buong Southern Tagalog ayon yan kay dating Department of Agriculture Proceso “Procy” Alcala sa pagbisita nito sa isang barangay sa Lucena City.

Umaga ng January 18, sa panayam ng mga lokal na mamamahayag kay Alcala hinggil sa pagkandidato ni Governor David Suarez sa pagkakongresista sa ikalawang distrito ng Quezon sa 2019 election na isa si Procy sa mga makakatunggali, sinabi ni Alcala na ano pa ang magagawa ni Suarez sa ikalawang distrito na hindi man lang umunlad ang 3rd district.

“Ano pang dadalhin mo dito? Paaatrasin mo pa ba ang segunda distrito? Kampon lumibot ka sa segunda distrito, kung anong sasabihin sayo ng tao?” pagkukuwestyon ni Alcala.

Tila paghahambing pa ng dating kongresista, ang mga nagawa ng kanilang pamilya sa ikalawang distrito ng kanilang panunungkulan sa mga nagawa ni Suarez.

“…siguro ay kung isusulit mo ang kaniyang nagawa para sa segundang distrito at nasulit ng iyong abang lingkod at ng aking mga kapatid. Aba ay siguro naman malayong malayo naman siya. May nagawa naman tayo hindi tayo pa kaang kaang lang dito eh,” pagtatapos ni Alcala.