Alamin ang epekto sa kabataan ng pagkaka-lulong sa sugal

0
4227

Sa pangyayari sa Resorts World Manila sa Pasay City kung saan isang armadong lalaki ang pumasok sa loob ng casino nito at nagpaputok at nakuha ring silaban ang ilang gaming table ng casino at kalaunan ay winakasan ang sariling buhay, sa imbestigasyon ng mga awtoridad ay lulong sa sugal ang suspect na kinilalang si Jessie Carlos ng Sta. Cruz, Maynila.

Gumawa ng pag-aaral ng pagsasaliksik ang Bandilyo News Team upang malaman at maibahagi sa mga taga-subaybay nito ang epekto sa tao kasama na ang mga kabataan ng pagka-addict o pagka-lulong sa sugal. Matatandaang hanggang sa pagsulat ng Bandilyong ito ay patuloy pa rin ang iligal na pasugalan sa gilid na bahagi ng Pacific Mall na sakop ng Brgy. 3 sa Lungsod ng Lucena.

Ayon sa kayarehab.com, website ng isang rehabilitation center sa bansa, isang behavioral disorder ang pagkakalulong sa sugal na nagdudulot ng disrupsyon o pagtigil o pagkasira ng normal na buhay ng isang indibidwal. Ang nalululong sa sugal ayon pa sa Kaya Rehab ay wala nang control sa sarili at nagagawa nang magsinungaling sa kanilang mga kaanak, magnakaw o magbenta ng ari-arian at umaabot pa sa pagiging mapanakit o bayolente sa kapwa. Hindi na rin importante ayon pa sa center kung nananalo o hindi ang lulong sa sugal hanggat nakakataya ito at nararamdaman and thrill o excitement sa kung mananalo ba o hindi.

Ayon sa Kidshealth.org, katulad ng sa matatanda mahirap makita sa mga kabataan kung ito’y lulong na sa sugal. Pero maaari itong mapansin kung ang isang bata o menor de edad ay na-a-addict na sa sugal. Lagi itong nakakaramdam ng pagod at madalas na naiirita, palaging nangangailangan o hingi ng hingi ng pera na wala namang nakikitang binibili, napapasama sa mga masasamang barkada at gumagawa ng kalokohan o krimen. Mas madalas ding mababa ang grado ng mga kabataang lulong sa sugal dahil mas madalas itong absent sa klase at ginagamit ang baon upang ipang-taya.

Sa 2014 survey naman ng Oregon based Preventionlane.org, mataas ang tsansa ng mga kabataang lulong sa sugal na malulong din sa alak, paggamit ng droga, pagpapatiwakal, problema sa eskwelahan. depresyon, problema sa pakikisalamuha sa kapwa, problema sa batas at pera at maraming iba pa.

Batay naman isa pahayag ng PAGCOR at ng umiiral na batas sa bansa ay mahigpit na ipinagbabawal ang pagpapa-pasok sa mga kabataan sa lugar ng sugalan at lalong bawal na hayaan ang mga itong tumaya sa anumang pasugal. Pero makikita sa video na ipinadala sa Bandilyo TV na may mga kabataang malayang nakakalapit at tumataya sa iligal na color games sa bahagi ng Pacific Mall.

Dahil dito ay patuloy ang natatanggap na mensahe ng Bandilyo TV at nagtatanong kung bakit pinapayagan ito ng mga awtoridad gayong nakakasama ito hindi lang sa buhay ng isa pamilya, pati na rin sa mga kabataan.