Antayin ninyong mag-Governor ako! – Cong. Danilo Suarez

Sa eksklusibong panayam ng Bandilyo TV kay 3rd District Congressman Danilo Suarez ay naikwento nito ang mga proyektong ibinababa ng kanyang opisina sa kanyang distrito. Kamakailan ay pinasinayaan sa ikatlong distrito ng lalawigan ng Quezon ang proyekto ng kongresista para sa malinis na inuming tubig ng kanyang mga kababayan. Ang proyekto anyang ito ay masasabing kung ano ang iniinom ng mga milyunaryo sa kamaynilaan na distilled water ay siya ring maiinom ng mga taga-ikatlong distrito ng lalawigan ng Quezon.

Ayon sa kongresista, marami ang nagtatanong sa kanya kung kailan magkakaroon ng kaparehong proyekto sa ibang bahagi ng lalawigan ng Quezon.

“May mga nagtatanong bakit daw wala sa iba, eh ‘di antayin ninyong mag-governor ako” ang pahayag ni Suarez.

Pati lungsod ng Lucena ayon pa kay Cong. Danilo Suarez ay aayusin din daw nito. Maypagmamalaki rin nitong binanggit na sa lungsod ng Lucena ito isinilang.

Umani naman ng iba’t ibang reaksyon ang pahayag na ito ni Cong. Suarez. Matapos ang panayam sa kongresista ng Bandilyo TV ay maraming tagapakinig ang nagpaabot ng pagbati at suporta sa pamamagitan ng pagte-text habang ang ilang message naman ay nagsasabing aabangan nila ang pagdating ng 2019 local elections.