Barangay 3 sa Lucena City, nakahanda sa kalamidad ayon sa isang kagawad

Hindi namimili ng oras ang sakuna, kaya mahalagang maging handa upang tumaas tsansa na makaligtas sa peligro.

Isa sa mga paraan upang paghandaan ang sakuna ay ang pagdadala ng isang survival go-bag kung saan nakasalansan ang ilang pangangailangan ng sarili at pamilya sakaling may baha, daluyong, lindol, at iba pang emergency.

Ayon kay Kgd. Bernardo Llose ng Brgy. 3 Lucena City, chairman ng committee on Disaster Risk Reduction, sa ngayon raw ay naghanda na ang kanilang barangay para sa disaster dahil ang buwan ng Disyembre ay isa sa panahon ng bagyuhan.

“Sa ngayon ang aming barangay ang nagprepare ng mga gamit para sa disaster, mga kit para sa nagkakaron ng pinsala sa katawan, mga first aid,” pahayag ni Llose.

Dagdag pa ni Llose, maliban sa paghahanda ng survival go-bag mabuti rin kung makapagpaplano na ang pamilya ang gagawin sakaling tumama ang sakuna.

Aniya pagpaplanuhan ang lugar na maaaring pagkita-kitaan sakaling magkahiwa-hiwalay.

Samantala, ayon sa kagawad mainam daw na talakayin ng pamilya ang mga sakunang maaaring tumama sa bansa, partikular na sa lugar na tinitirahan.