Barangay Nutrition Scholars ng Pagbilao, Quezon kinilala

Kinilala ng Quezon Provincial Nutrition Action Office at Provincial Nutrition Multi-Sectoral Council ang bayan ng Pagbilao sa mga ginagawa nitong hakbang upang mapanatili ang kalusugan ng mamamaya sa kanilang bayan. Tinanghal na Outstanding Municipal Nutrition Committee 2nd Runner Up ng Gawad Parangal sa Nutrisyon ang Pagbilao dahil sa epektibong pagpapatupad ng Municipal Health Office, Barangay Health Workers at Barangay Nutrition Scholars ng bayan upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga Pagbilawin. Kinilala ring 2nd Outstanding Municipal Nutrition Action Officer si Dr. Marial Merluza na Municipal Dentist at BNS Coordinator ng bayan ng Pagbilao.

Iginawad ang parangal sa bayan sa ginanap na 3rd Barangay Nutrition Scholars Provincial Convention noong nakaraang linggo sa Quezon Convention Center sa Lungsod ng Lucena. Isinagawa ang convention upang ibahagi sa mga BNS sa buong lalawigan ang mga updates at upang malaman din ng pamahalaan ang mga kailangan pa nitong gawing aksyon para sa pagpapa-baba ng lebel ng malnutrisyon sa buong lalawigan ng Quezon.