Community Based Mobilization Program para sa pagpapatibay ng seguridad sa Lalawigan ng Quezon

Upang patuloy na mapagtibay ang seguridad sa lalawigan ng Quezon ay pormal na inilunsad ang Community-Based Mobilization Program sa Quezon Convention Center sa Lungsod ng Lucena. Pinangunahan ni Gov. David Suarez ang paglulunsad kasama sina DILG Regional Director Manuel Q. Gotis, Regional Director Police Chief Superintendent Ma. O Aplasca, ABC President Jose Erwin Esguerra Sr., Police Senior Superintendent Rhoderick Armamento, Mauban Municipal Mayor Fernando Llamas at mga barangay officials, mayors, vice mayors at mga konsehal ng mga bayan at lungsod sa Quezon.

Mahalaga ang aktibong partisipasyon na ito ng mga barangay officials ayon kay PNP Quezon Dir. S/Supt. Rhoderick Armamento. Hangarin anya ng proyekto na pangalagaan ang kabuuan ng mga barangay sa pamamagitan ng pagtutulungan at pagkakaisa ng komunidad. Kasabay sa paglulunsad ng mobilization program ay binigyan din ang bagong tatag na SWAT team ng Quezon Police Provincial Office ng mga bagong kagamitan tulad ng bullet proof helmet at vest, motorsiklo at mga police mobile vans na pangunahing kinakailangan ng panlalawigang kapulisan. Nagpasalamat naman si Gob. Suarez sa pakikibahagi ng mga opisyal na nagsidalo sa pagtitipon na itinuturing na instrumento sa paglaban sa mga banta sa kaunlaran ng lalawigan tulad ng ipinagbabawal na gamot, kriminalidad at korapsyon.