Cosplay ng literary characters, tampok sa 2018 National Reading Month Celebration sa GGNHS- Iba. Talim Extension

Hiyawan na may kasamang palakpakan ang reaksyon ng mga mag-aaral ng Gulang-gulang National High School – Ibabang Talim Extension nang rumampa na ang 36 na literary characters na ikinosplay ng mga estudyante dito, Nobyembre 22.

Bago pa man magsimula, sa isang silid kung saan nag-aayos ang mga mag-aaral magkahalong kaba at excitement ang pakiramdam ng mga kalahok na karamihan ay first time rumampa sa isang cosplay event.

Ito’y bahagi lamang ng 2018 National Reading Month Celebration, isang English festival na taunang isinasagawa mula pa noong 2015 sa paaralang ito.

“We are conducting this para po maging aware ang mga bata sa beauty of using the English language especially sa pagbabasa,” pahayag ni Klara Emiliza Abeja, coordinator ng event at guro sa GGNHS-Iba. Talim Extension.

“Ito ay culminating activity ng English department kung saan ‘yong love for reading ng mga bata ay siyang bibigyan ngayon ng importance,” sabi ni Arlene Mendoza, principal.

Bahagi rin ng event ang reader’s theatre competition kalahok ang bawat grade level. Batid ng mga estudyante partisipante sa pagdiriwang ang kahalagahan ng pagbabasa lalo na ng ingles.

Ayon pa kay Abeja, isa itong istratehiya para maengganyo ang mga kabataang mag-aral lalo ngayon sa makabagong panahon na mahalin ang pagbabasa.

“Pagmamahal sa pagbabasa, syempre mati-trigger ‘yong curiosity nila with this kind of activities so we’re hoping na after nito, syempre mabubuo ‘yong appreciation sa bawat estudyante na masarap pa lang magbasa kahit ito ay in the second language which is english na kinatatakutan ng ibang estudyante kasi hindi raw nila maintindihan atleast mag-eeffort na sila to explore our second language,” dagdag niya.

Umaasa ang guro ng paaralang ito lalo na ng English department sa ginawang pagdiriwang ay mabatid ng kabataang estudyante ang malalim na kahulugan ng reading month celebration.