Dating tauhan ng BJMP, arestado sa buy bust operation

Arestado ang dating tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at isang babae na sangkot umano sa iligal na droga.

Pasado alas 9 ng gabi ng Nobyembre 8 sa isang hotel sa Brgy. Isabang sa Lucena City sa buy bust operation ng regional drug enforcement unit ng PRO IV-A sa pamumuno ni P/Supt Dennis de Leon katuwang ang Lucena PNP nang positibong nakabili ng pinaniniwalaang shabu ang police poseur buyer sa suspek, hindi na nakapalag pa nang arestuhin si Teodorico Gamboa Burac alyas Jong, 48 anyos AWOL na BJMP personnel at kapatid ng isang pulis kasama na si Mhyrza Almirino Agbuya alyas Inday, 28 anyos pawang mga residente ng 1725 Acacia St. Brgy. Gulang-gulang, Lungsod ng Lucena.

Nakumpiska sa mga ito ang 11 sachet na may lamang pinaniniwalaang shabu na tumitimbang ng 2.8 grams at isang 500 peso bill na nagsilbing mark money. Batay sa report ng pulisya, ang mga suspek ay matagal nang minamanmanan ng awtoridad hinggil sa operasyon nito sa iligal na droga.