Drug suspek patay sa drug buy-bust operation sa Lucena City

Patay ang isang drug suspek nang manlaban umano matapos malamang pulis pala ang nakatransaksyon niya sa Purok Maligaya, Barangay 5, Lucena City, Nobyembre 18.

Kinilala ng Lucena PNP ang napatay na suspek na si Rhoderick Parga Hugo alyas Hugo, 44 anyos na kabilang sa drug watch list ng Lucena Pulis.

Ayon sa report ng pulisya, pasado 10:00 ng gabi isinagawa ang buy-bust operation kung saan nagpanggap na bibili ng shabu ang isang pulis at tangkang aarestuhin ang suspek, tinulak umano nito ang mga pulis at bigla na lamang bumunot ng baril at nagpaputok.

Dito na gumanti ang kapulisan na nagresulta sa agarang pagkamatay ng suspek.

Narekober kay Hugo ang isang plastic sachet ng shabu, 500 peso bill ginamit bilang mark money, at isang pistol M17 Colt at mga bala.