Drug test para sa mga TODA at opisyal ng pamahalaan isinagawa sa Tanauan City

Nagsagawa kamakailan sa isang barangay sa Lungsod ng Tanauan, Lalawigan ng Batangas ng drug testing sa mga lider at miyembro ng mga TODA, Barangay Tanod at mismong miyembro ng Sangguniang Barangay bilang pagsuporta sa adhikain ng Pamahalaang Panglunsod na magkaroon ng isang komunidad na ligtas sa iligal na droga. Katuwang ang Liga ng mga Barangay ay pinangunahan ng Presidente nito, Polmark Fajardo ang drug testing sa Poblacion 7 Tanauan City. Ayon sa pahayag ng Liga ng mga barangay, ang kanilang isinagawang aktibidad ay bilang pag-suporta sa programa ng Tanauan City sa Pangunguna ni Mayor Antonio Halili na masugpo ang illegal drug trade sa kanilang syudad.

Si Mayor Antonio Halili ng Tanauan City ay kilalang lumalaban sa iligal na droga bago pa ang administrasyon ni Pangulong Duterte. Nagtrending at nag-viral din ang ilang videos mula sa lungsod na ipinaparada sa kabayanan ayon umano sa utos ni Halili ang mga kriminal lalo na ang mga sangkot sa iligal na droga at may nakasuot na placard na nagsasabi kung ano ang kasalanan ng mga ito. May nakasulat din na huwag pamamarisan ang mga ito.