DTI Cavite siniguro ang kalidad ng mga bilihin

Upang masiguro ang kaligtasan ng mga mamimili ay nagsagawa ng inspeksyon ang Department of Trade and Industry Cavite Office sa mga establishments sa lalawigan upang masigurong sumusunod ang mga ito sa patakaran ng pamahalaan. Bumisita sa iba`t ibang negosyo ang DTI Cavite at sinusuri ang mga produktong ibenebenta ng mga ito upang makita kung hindi sub-standard ang mga ito at kung may kaukulang certification na nagpapatunay na nakapasa sa standard na itinakda ng pamahalaan ang mga ibinebentang produkto. Ang mga sinusuring produkto ay mga appliances, electrical at electronic products, mechanical at construction materials ganun din ang mga kemikal at mga consumer products.

Ang inspeksyon ng DTI sa mga produkto ay alinsunod sa Republic Act No. 4109 o ang Products Standards Law at mga alituntunin ng Department of Trade and Industry na may kaugnayan sa Philippine National Standards. Ayon sa DTI Cavite, ang mahuli ng ahensya na hindi sumusunod sa batas ay bibigyan ng Notice of Violation at kailangang magsumite ng paliwanag sa loob ng apatnaput walong oras. Maaari ding magmulta ang negosyante ng hanggang tatlong daang libong piso bukod pa ang mga kasong kriminal at sibil na maaaring isampa laban sa mga ito.