DTI-Quezon patuloy ang pagtulong sa mga negosyante –Div. Chief Pablito Budoy

Sa eksklusibong panayam kay DTI Division Chief, Pablito Budoy ay sinabi nitong patuloy ang pagtulong ng ahensya sa mga indibidwal o grupo na nais mapaunlad ang kanilang mga hanap-buhay. Ayon kay Budoy, bagamat hindi anya sila nakaka-asiste agad sa mga nais pa lamang mag-negosyo ay malaki naman ang kanilang maaaring mai-ambag kung ang isang negosyante ay nakapag-umpisa na ng kanyang gustong hanap-buhay. Kapag napili anya ang isang indibidwal o grupo ay tuturuan at tutulungan ito ng DTI kung papaano pa mapapaunlad ang napiling negosyo. Isa anya rito at ang tamang packaging ng isang produkto upang mas mapansin ito ng mga mamimili. Sinabi naman ni Mr. Pablito Budoy na kailangan ay desidido ang isang indibidwal sa kanyang napiling negosyo upang maiwasan ang problema at pagtigil ng kanilang hanap-buhay.

Tinutulungan din ng DTI ang mga negosyante, ayon kay Ginoong Budoy ng tamang pagli-libro ng kanilang negosyo upang makita ng mga ito kung sila ba ay nalulugi o kumikita. Ang pagkakaroon anya ng ganitong kaalaman sa umpisa pa lamang ng isang hanap-buhay ay malaki ang magagawa sakaling mapalaki at mapaunlad ng mga ito ang kanilang negosyo at dumami na ang produktong kanilang ibinebenta.

Ang DTI ay nagsasagawa rin ng iba’t ibang seminar sa Lalawigan ng Quezon upang matulungan ang mga taga lalawigan na maipakita ang kanilang mga produkto sa ibang lugar upang makakuha ng market o mapagbebentahan. Isinasali rin ng DTI ang mga napipiling produkto ng isang lugar sa mga trade fairs upang magkaroon ng tamang exposure ang produkto at kumita.