Induction of Officers at Seminar isinagawa sa Lungsod ng Lucena ng Quezon Province Dental Chapter

Dumalo si Mayor Dondon Alcala sa isinagawang Induction of Officers at at mga bagong miyembro ng Quezon Province Dental Chapter na ginanap sa isang hotel sa lungsod kamakailan. Naging panauhin din si Mark Villalobos na siyang kasalukuayang presidente ng Philippine Dental Association. Kasabay rin ng ginawang induction ay ang kauna-unahang Scientific Seminar para sa mga dentista mula sa lungsod at sa buong lalawigan ng Quezon.

Tinalakay dito ang iba’t-ibang paksa tungkol sa kanilang propesiyon na may layong madagdagan ang kaalaman ng mga dentistang dumalo dito at mahasa ang kanilang kakayanan na matugunan ang kanilang responsibilidad.

Sa mensahe naman ni Mayor Alcala, ay binati nito ang kasalukuyang presidente ng QPDC, Dr. Maria Reina Rizza Porte at ang outgoing president na si Dr. Candelaria Malaluan at ang lahat ng mga dumalong dentista. Nagpasalamat si Alcala sa QPDC sapagkat kanilang napili ang lungsod na pagdausan ng seminar/training para sa mga dentista ng lalawigan. Suportado naman ng alkalde ang bagong presidente ng asosasyon at lahat ng mga gagawin nitong programa at proyekto na makakapag-patibay ng kaalaman ay kakayanan ng mga dentista hindi lamang sa lungsod kundi sa buong lalawigan ng Quezon.