Inflation nanatiling 6.7%, ilang Lucenahin nagbigay ng saloobin

“Tuwing may magkakandidato, laging pabababain ang presyo, bigas, lahat ng bagay bakit ngayon ay tumataas,” ‘yan ang sentimyento ni Aling Lydia sa kanyang palagay sa mataas na presyo ng mga bilihin dapat na umanong aksyunan ng gobyerno o masolusyunan na mapababa ang inflation sa bansa.

Samantala, nanatiling 6.7% ang inflation sa nakalipas na buwan ng Oktubre. Ang hindi pagtaas ay magandang balita daw ayon sa Malacañang pero para sa mga taong apektado ng mataas ang presyo ng bilihin, hiling na magawan ng paraan na mapababa ito.

“Dapat nga lang na aksyunan kasi tulad naming mahihirap, paano kami?,” pahayag ni Aling Bella.

“Gawa ng sobra nga ang mga bilihin ngayon kaya ang mga tao ay naghihirap siguro ang gobyerno ang dapat kumilos para bumaba ang presyo ng mga bilihin,” ayon naman kay Aling Felly.

Umaasa ang palasyo ng Malacañang kung hindi man mapapanatili ay maaaring tuluyan nang bumaba ang inflation.

Sa mga nakalipas na Linggo, makailang beses nagkaroon ng bawas presyo sa produktong petrolyo, may pagbaba na rin sa presyo ng komersyal na bigas pero kung ang publiko ang tatanungin sana bumalik sa normal ang sitwasyon.