KOOPulong Cooperative Forum isinagawa sa Batangas

Nagsagawa ng pagpupulong na dinaluhan ng mga kinatawan ng Bangko Sentral ng Pilipinas, Department of Trade and Industry, Department of Labor and Employment, mga Kooperatiba at mga kawani ng gobyerno ang KOOPulong Cooperative Forum kamakailan sa Provincial Cooperative Development Center, Capitol Complex, Batangas City. Sa pangunguna ni Provincial Cooperative, Livelihood and Enterprises Development Office Department Head, Celia Atienza, nairaos ang Kabuhayan Program at Emergency Employment Program (EEP) o Tulong Panghanapbuhay para sa Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).

Sinang-ayunan ni Batangas Gov. Dodo Mandanas ang layunin at mga balak na aktibidad sa programang ito. Ayon sa gobernador, lahat ng tulong na maaari pang maibigay para sa mamamayang Batangueno ay nararapat mapunta at maigawad agad-agad sa mga ito. Naging pangunahing panauhin ng pagtitipon si 6th District Senior Board Member, Hon. Rowena Sombrano-Africa na Chairperson din ng SP Committee on Cooperatives, at AGAP Partylist Congressman Rico B. Geron. Nagpakita rin ng suporta ang 5th District Board Members na sina Bokal Bart Blanco at Bokal Claudette Ambida-Alday.