Kriminalidad sa Lucena City, bumaba – P/LT. Col Ariza

 

Bumaba umano ang kriminalidad sa Lungsod ng Lucena, ito ang binigyang diin ni P/Lt.Col. Reydante Ariza, hepe ng Lucena PNP. Sa ekslusibong panayam sa programang Quezon Pulis @Ur Serbis ng 89.3 FM Max Radio at Bandilyo TV, ipinaliwanag ni Ariza na ang pagsugpo sa iligal na droga ang dahilan ng pagbaba ng krimen sa lungsod.

“Actually, bumababa ‘yong krimen natin, noong makuha natin ‘yong mga akyat bahay na tumitira. Lahat naman ng krimen ay attributed sa drugs so nung napag-isa isa na natin ang mga gumagamit ng droga, user at pusher, bumaba talaga ‘yong krimen ‘yong impact kaya masasabi ko na ang Lucena ay generally peaceful,” ani ni Ariza.

Pinaigting umano ng kapulisan sa lungsod ang kanilang mga programa tulad ng gabi-gabing pagpapatrolya o oplan galugad na pinupuntahan nila ang mga barangay.

Dagdag pa ni Ariza, malaki ang naitutulong ng mga opsiyal ng barangay sa pagpapatupad ng kanilang mga programa. Aniya, mayorya na ng mga barangay sa lungsod ang drug cleared at patuloy pa rin itong nadadagdagan

“Mayroon kasi tayong 5 pang on process sa PDEA, kung maidadagdag yon sa 15, magiging 21 na,” pahayag ng hepe.

Si Ariza ay nagsimulang manungkulan bilang hepe ng Lucena Police noong Oktubre 2018.