Kung mapapatunayang involve sa droga, Tanauan City Mayor Antonio Halili bibigyan ng isang milyong piso ang intel officer na gumawa ng report at magbibitiw sa pwesto bilang alkalde

Pagbibigay ng isang milyong piso at pagre-resign sa pwesto. Ito ang magiging kapalit kung mapapatunayan o makakapaglabas ng ebidensya ang gumawa ng intelligence report na nag-u-uganay kay Tanauan City Mayor Antonio Halili. Sa isang press conference sa kamaynilaan na pinangunahan ng Journalists For Truth and Freedom ay tinalakay ng Tanauan City Mayor ang pagkakadawit ng kanyang pangalan sa listahan ng umano’y mga pulitikong involve sa droga. Inimbento lamang ayon pa sa alkalde ang mga paratang na siya ay sangkot sa iligal na droga. Ayon pa sa Mayor ng Tanauan City ay binabanggit din sa report na may koneksiyon kay Mayor Goto Violago ng San Rafael, Bulacan na nauna nang napasama sa listahan ni Pang. Duterte na tiwaling opisyal at sangkot sa droga.

Sa press conference ay hinamon ni Mayor Antonio Halili ang intel officer na gumawa ng report na kung mapapatunayan nito na may koneksyon siya sa San Rafael, Bulacan mayor at sila ay magkaibigan ay bibigyan niya ito ng pabuya. Mangungutang anya si Mayor Halili ng isang milyong piso para ibigay sa intel officer at kasabay nito ay magbibitaw sa kanyang pwesto bilang alkalde ng Tanauan City kung makakapaglabas ng matibay na ebidensya.