Laban sa droga sa Quezon kinilala ni Gov. David Suarez, paghuli sa mga “big fish” panawagan din ng gobernador

Binati ni Quezon Governor David Suarez sa kanyang State of the Province Address si Quezon PNP Provincial Director S/Supt Rhoderick Armamento dahil sa mga aktibidad ng Quezon Pulis na nagpapa-baba ng crime rate sa buong lalawigan. Ayon kay Suarez maraming mga involve sa droga ang nahuli ng Pulis Quezon at sa tulong ng mga lider komunidad at marami rin ang nagsi-suko sa isinasagawang kampanya ng pamahalaan kontra droga. Binati rin ng gobernador ang mga munisipalidad na naideklara na ng PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency na Drug Cleared Municipality. Special mention din sa pagre-report ni Gov. Suarez ang kauna-unahang munisipalidad na nai-deklarang drug cleared sa lalawigan na pinangungunahan ng isang babaeng hepe ng PNP. Ang binabanggit ni Suarez ay si Senior Insp. Lizle Abanilla ng bayan ng Pitogo.

Pero binanggit din ni Gov. Suarez na malayo pa rin sa pagiging matahimik na lupunan ang lalawigan ng Quezon at buong bansa. Palagian pa rin anyang banta ang iligal na droga sa lipunan kaya ipinagutos ni Suarez ang mas agresibong kampanya ng PNP laban dito. At katulad rin panawagan ng maraming mamayan sa iba’t ibang bahagi ng bansa, nanawagan si Gov. Suarez na sana ay hindi lamang maliliit na isda o maliliit na drug personalities ang mahuli ng mga awtoridad.