Lalawigan ng Quezon walang naitalang major event sa pagdaan ng bagyong Salome

Sa pinakahuling tala ng Quezon Provincial Disaster Risk Reduction Management Office sa pangunguna ni Dr. Henry Buzar ay wala anyang major event na naganap noong kasagsagan ng Bagyong Salome, araw ng Huwebes. Sa Eksklusibong panayam ng 99.7FM at Bandilyo TV kay Dr. Buzar ay sinabi nitong ang mga kaganapang naitala lamang nila ay ang mga reports mula sa iba’t ibang bayan sa Lalawigan ng Quezon ng pag-apaw ng mga spillways na mga ito. May mga barangay din anyang binaha dahil sa kababaan ng kanilang lugar ang nai-report sa opisina ng PDRRMO.

Base pa rin sa pinakahuling tala ng PDRRMO umaga ng araw ng Biyernes ay mayroong isang libo dalawang daang mahigit na indibidwal ang nagtungo sa mga evacuation centers noong araw ng Huwebes sa iba’t ibang lugar sa lalawigan. Inaasahan naman ng PDRRMO Chief na makakauwi na ang mga indibidwal na ito nitong araw ng biyernes dahil maganda na ang lagay ng panahon sa kalakihang bahagi ng lalawigan. Bukod dito, sa bandilyo pa ni Dr. Henry Buzar ay wala nang iba pang kaganapan at walang naging problema sa lalawigan ng Quezon na kinaharap ng kanilang team.

Bandang hapon ng Huwebes ay naramdaman sa Lalawigan ng Quezon ang lakas ni Bagyong Salome. Sa Lungsod ng Lucena ay naramdaman ang sungit ng panahon hanggang bandang alas-diyes ng gabi.