Mahigit 130 magsasagawa sumailalim sa training sa pagtatanim ng Guyabano

Dinaluhan ng higit 130 na magsasaka ang isinagawang Guyabano Growers Summit para sa skills training on guyabano production and management kamakailan sa Quezon Herbal Pavilion, Old Zigzag Road sa pagtutulungan ng lokal na pamahalaan ng Atimonan, Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor at Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon. Layunin ng pagtitipon na mapalawig ang produksyon at maging one town one product ng bayan ng Atimonan ang Guyabano. Ayon sa datos ng Office of the Municipal Agriculturist, mahigit 52,020 guyabano seedlings ang naipamahagi at naitanim ng mga magsasaka sa mahigit 80 hectares ng lupa sa Atimonan na ipinagkaloob naman ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor.

Ipinahayag ni OPA Marketing Specialist, Ariel Mañalac ang pasasalamat ng pamahalaang panlalawigan sa mga nakiisang magsasaka sa pagtitipon upang magkaroon pa ng mas malawak na kaalaman sa wastong pag-aalaga ng guyabano at kung paano ito makatutulong sa kanilang kabuhayan. Para naman kay Mayor Ticoy Mendoza, mayroong dalawang yaman na dapat pangalagaan sa kanilang bayan upang makamit ang tagumpay, ang human resources at natural resources. Aniya, ang ganitong uri ng programa ay isang malaking hamon sa hinaharap, ngunit ang ganitong uri ng proyekto ay isang pagkakataon umano upang umpisahan at ipakita ang pagiging isang magandang halimbawa na sisimulan para sa susunod na henerasyon.