Medical at Dental Mission na may kasamang pakikipag-ugnayan sa barangay isinagawang muli sa Sto. Tomas, Batangas

Muling nagsagawa sa isang barangay sa bayan ng Sto. Tomas, Batangas ang pamahalaang lokal ng kanilang regular na Medical and Dental Mission at Talakayan at Ugnayan sa Barangay kamakailan. Binisita ng mga lokal na opisyal ng Sto. Tomas ang Barangay Anastacia upang maghatid ng serbisyong medikal at dental. Nagbigay ng gamot sa mga nagpakonsulta ang mga kawani at ang iba naman ay nagpatingin ng kanilang ngipin at nagpabunot na rin kung kinakailangan.

Bukod naman sa medical at dental services ng Sto. Tomas ay kasabay ring isinagawa ang libreng pagupit, manicure at pedicure at nagkaroon din ng isang pa-raffle para sa mga residente ng barangay.

Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga taga-barangay Anastacia na magtanong sa mga opisyal ng pamahalaan. Nagasagawa rin ang lokal na pamahalaan ng isang dayalogo upang maipahatid ng mga residente ang kanilang mga pangangailangan sa serbisyo, imprastraktura at iba pa upang mas maging maginhawa ang pamumuhay ng mga kababayang tomasino.