Mga grupo at organisasyon sa Tanuan City nagpadala ng sulat pag-suporta kay Mayor Antonio Halili

Suspendido ang klase sa lahat ng antas sa Lungsod ng Tanauan sa lalawigan ng Batangas dahil isasagawang tigil pasada ng mga transport groups sa lungsod. Ang aksyon na ito ay bilang pagpapakita ng suporta sa mayor na Tanauan City na si Mayor Antonio Halili na sinasabing sangkot umano sa illegal drugs activity. Sa sulat na ibinahagi ng Tanauan City mula sa isang transport group ay nakasaad na gagawin nila ang tigil pasada bilang pagpapakita ng suporta sa kanilang punong lungsod. Nakasaad din sa sulat na hindi naniniwala ang transport group na involve ang alkalde sa iligal na droga.

Samantala ang ABAKA o Asosasyon ng Barangay Kagawad sa Tanuan City, Inc. ay nagpadala din ng sulat ng pag-suporta kay Mayor Antonio Halili. Tinawag pa ng grupo na heart and soul of Tanauan City si Halili sa kanilang sulat na pirmado ni ABAKA President Czylene Marqueses.

Nag-ugat ang usapin mula sa order ni DILG OIC Catalino Uy, bilang NAPOLCOM Chief na tinatanggalan o wini-withdraw ang deputasyon ng limang alkalde sa CALABARZON. Kinabibilangan ito ng Teresa at Rodriguez sa Lalawigan ng Rizal. San Pablo City sa Lalawigan ng Laguna at Lemery at Tanauan City naman sa Lalawigan ng Batangas. Base sa ipinalabas na order ay matapos daw ang balidasyon ng intelligence agencies ng pamahalaan ay nakitang may link o may kinalaman sa iligal na droga ang mga ito.