Mga kawani ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon pinasalamatan ni Gov. Suarez sa pakiisa ng mga ito

Binati ni Quezon Governor David Suarez ang mga kawani ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa matagumpay na pagsasagawa ng Niyugyugan Festival ngayong 2017. Ayon kay Suarez sa loob anya ng maikling panahon ay malaki na ang naabot taunang festival. Sa State of the Province Address ni Gov. Suarez ay sinabi nitong umabot sa halos 800 thousand ang bumisita sa iba’t ibang booth na pinaganda ng mga lokal na pamahalaan ng mga bayan at lungsod ng Lalawigan ng Quezon. Pinasalamatan din ng gobernador ang lahat ng mga LGUs sa kanilang pakikiisa sa Niyugyugan Festival dahil hindi anya mangyayari ito kung hindi sa pakikiisa ng mga bayan at lungsod sa buong lalawigan. Naging kapuri puri din ayon pa kay Suarez ang kabuuang kinita ng Niyugyugan ngayong taon dahil umabot ito ng kabuuang 19 million six hundred thousand pesos na ayon sa gobernador ay ilang daang libong piso na lamang ay mabe-break na ang 20 million peso mark.

Ang Niyugyugan Festival ay isinasagawa tuwing buwan ng Agosto sa Lalawigan ng Quezon upang itampok ang mga produktong maaaring gawin sa pamamagitan ng niyog. Bukod dito ay nasho-showcase din ng mga bayan at lungsod sa lalawigan ang kanilang sariling produkto upang makilala hindi lamang ng mga taga-lalawigan ng Quezon kundi ng mga turista mula sa labas ng lalawigan. Pinaparangalan at tumatanggap din ng mga papremyo ang mga bayan na mapipiling sa pinakamagandang disenyo ng kanilang booth at nagkakaroon din ng iba’t ibang programa upang makaakit ng mas maraming bisita.