Mga mayor ng Quezon may sariling pag-iisip –Cong. Kulit Alcala

May sariling kaisipan ang mga alkalde ng Lalawigan ng Quezon, ito ang sinabi ni Quezon 2nd District Congressman Vicente Alcala tungkol sa naging paglipat ng partido ng nasa mahigit tatlumpung mayor sa buong lalawigan. Ayon kay Alcala ay hindi anya siya katulad ng iba na nagdidikta sa mga lokal na opisyal kung ano ang gagawin at kung saan magpupunta. Hinahayaan anya niya ang mga kakampi at kaibigang pulitiko na mamili ng partido kung sa tingin nila ay makakabuti ito para sa kanilang mamamayan. Kung wala anyang makakain o mapapakinabang sa partido at mas makakabuting lumipat ay hindi anya niya ito pipigilan.

Sinabi pa rin ni Cong. Alcala na kahit pa matuloy siya sa paglaban bilang gobernador ng Lalawigan ng Quezon ay hindi siya nababahala na maubos o kakaunti ang matirang kapartidong alkalde. Naniniwala si Alcala na tatawid ng partido ang mga ito upang suportahan siya dahil wala anya itong ipinakisamang masama sa kanila.

Sa mga nakaraang buwan ay naglipatan ang mga opisyal ng mga bayan at lungsod sa Lalawigan ng Quezon sa NUP na partido ni Quezon Governor David Suarez. Sa pahayag naman ni Cong. Alcala ay sinabi nitong walang problema sa kanya kung maging ang kanyang mga kaibigan at mga kaalyado ay lumipat ng partido.