Negosyo Center ng DTI binuksan sa Tiaong, Quezon

Matapos magbukas ang mga Negosyo Centers sa mga bayan Gumaca, Infanta, Alabat , Lopez at Lungsod ng Lucena sa Lalawigan ng Quezon ay pormal na ring binuksan ang Negosyo Center ng Department of Trade and Industry sa bayan ng Tiaong sa lalawigan. Sa pahayag ni DTI CALABARZON DIrector Marilou Toledo ay sinabi nitong layunin nilang mailapit sa mga negosyante ang serbisyo ng kanilang ahensya upang mapabilis ang proseso ng kanilang mga requirements at magkaroon din ng lugar na mapagtatanungan ang mga nais mag-negosyo kung ano ang mga bagay o pangangailangan sa isang linya ng hanap buhay na nais nilang ipundar. Ayon naman sa alkalde ng Bayan ng Tiaong, Mayor Ramon Preza, ang pagkakaroon ng negosyo center sa kanilang bayan ay maaaring makapagpadami ng negosyo sa lugar at kapag nangyari ito ay dadami din ang magkakaroon ng trabaho sa kanyang nasasakupan.

Ang pagtatayo ng Negosyo Center ng DTI ay nakapaloob sa Republic Act 10644 na nagsasabing dapat ay makapagtayo ng Negosyo Centers sa bawat lalawigan, bayan at lungsod upang magsilbing one stop shop na magbibigay serbisyo sa mamamayan bukod pa sa pagbibigay ng tulong sa pagpo-proseso ng kanilang mga requirement na gagamitin para sa pag-a-apply ng mga kaukulang permit para sa kanilang hanap-buhay.