Oras sa pagresponde ng BFP Lucena nasusunod kahit may saradong kalsada sa poblacion dahil sa Pasayahan sa Lucena

Sa eksklusibong panayam ng Bandilyo TV kay Fire Inspector SF02 Winsor Oñate at Bureau of Fire Chief Vilma Tuscano ay sinabi ng mga itong nakakasunod sa itinatakda ng kanilang ahensya ang lokal na opisina ng BFP pagdating sa tamang oras ng pagresponde ng mga bumbero. Inihalimbawa ni SF02 Winsor Oñate ang insidente kamakailan sa panulukan ng Enriquez at Cabana St., sa lungsod ng Lucena na sa loob lamang ng apat na minuto ay naroroon na sila sa lugar ng insidente ng sunog. Maaaring mas mabilis pa anya ito kung hindi sa ilang saradong kalsada dahil naman sa aktibidad ng Lungsod sa Pasayahan.

Sinabi naman ni BFP Chief Vilma Tuscano na ang response time ng mga bumbero sa mga sunog at sa pagitan ng tatlo hanggang pitong minuto. Binanggit din ni Tuscano na importanteng alam ng komunidad ang dapat na gawin o ang basic na dapat gawin sa pagpatay ng sunod upang mayroon ng paraan na nagagawa sa komunidad bago pa man dumating ang mga taga Bureau of Fire.

Muli namang inulit ni Tuscano ang paalala ng kanilang ahensya tungkol sa pagche-check ng mga linya ng kuryente upang malaman kung ligtas pa ito at hindi maging dahilan ng sunog. Gayon din ang paalala na ang mga bagay katulad ng lighter at posporo ay ilagay o itago sa hindi makukuha agad ng mga bata upang hindi ito mapaglaruan.