Pagkawala ng iligal na droga sa Brgy. Cotta tinututukan ng mga opisyal ng barangay

Nakatutok ang pamahalaang pambarangay ng Cotta sa Lungsod ng Lucena upang mapababa at tuluyang mawala ang iligal na droga sa kanilang barangay. Ayon kay Barangay Captain Annalou Alcala ay palagian nilang mino-monitor ang mga kabarangay nilang nag-sisuko sa batas upang malaman kung sila ay bumalik sa dati nilang gawain o maayos nang nakakapamuhay. Sinabi pa ni Kapitan Alcala na sa kanyang pakiramdam ay nakukulitan na rin sa kanya ang mga drug surrenderees dahil sa regular na nagpapadala ng sulat ang Barangay Cotta at nagpapatawag sa mga ito upang sila ay kumustahin. Ibinandiyo rin ni Kapitan Annalou na sinisikap nilang kausapin ang kanilang mga kabarangay na surenderees na mag-apply ng trabaho upang makatulong sila sa kanilang pamilya. Mayroon anyang kinausap na agency ang kapitan at kapag may lumalapit sa kanya na nangangailangan ng trabaho at may opening sa agency at inirerekomenda niya ito.

Nagpahayag naman ng pagkatuwa si Kapitan Annalou Alcala nang banggitin nito sa Bandilyo TV na mismong ang hepe aniya ng PNP sa Lungsod ng Lucena ay nagsabi na malayo-layo na ang barangay Cotta sa listahan ng mga may kaso ng droga sa lungsod. Ayon pa rin sa kapitan ay mismong mga residente rin ng Cotta ang nagte-text o tumatawag sa kanya upang i-report ang mga personalidad na involve sa droga. Ang ginagawa aniya nila ay pinaku-kumpirma nila ito sa kapulisan o sa opisyal ng barangay at kapag nakumpirmang totoo ang sumbong o ibinigay na impormasyon ay kanilang pinapaki-usapang sumuko sa batas.