Pagpapasigla ng industriya ng pagniniyugan sa Lalawigan ng Quezon ibinandilyo ni Quezon Prov. Admin. Rommel Edaño

Ibinahagi ni Provincial Administrator Romulo Edaño, Jr. nitong nakaraang Lunes, November 20 ang ilan sa mga nakalinyang proyekto at programa sa mga darating na taon na isasagawa sa lalawigan na may kinalaman sa industriya ng niyog. Ayon kay Edaño, inaasahan pa ang patuloy na pagpapa-unlad sa produksyon ng niyog na matagal nang hangarin ng pamahalaang panlalawigan. Nakatakda anyang makipagpulong si Gov. David Suarez sa mga regional heads ng mga national government agencies tulad ng Philippine Coconut Authority, Department of Trade and Industry, Department of Agriculture at iba pang mga ahensya na nakatuon sa pag-aaral kung paano mas mapatatatag ang industriya ng pagniniyog sa Quezon.

Isa sa mga isasagawang proyekto ay ang Coconut Research Center, na mayroon nang nakalaang inisyal na pondo na itinuturing na malaking potensyal ng lalawigan upang maging sentro ng ilang mga pag-aaral ukol sa industriya ng pagniniyog hindi lamang sa lalawigan ngunit sa kabuuan ng bansa. Ayon pa din sa Provincial Administrator, ang isasagawang proyekto ay maituturing na isa sa mga katuparan para sa mga magsasakang nakikinabang sa industriya ng pagniniyog sa lalawigan ng Quezon. Base sa datos ng pamahalaan, tumaas ng 14% ang produksyon ng pagniniyog na umabot sa 1.63 metric tons noong nakaraang taon. Sa patuloy na pagtaas ng produksyon nito, patuloy rin ang pagtaas ng kabuuang kita ng mga magniniyog na umabot sa 35% mula taong 2015 hanggang 2016.