Pagtatayo ng sariling convention center ng Lucena City, nararapat lamang – city administrator

Bilang highly urbanized city ang Lungsod ng Lucena tulad ng sa ibang lugar, wala naman daw masamang magkaroon ng isang convention center ang lungsod ayon kay City Administrator Jun Alcala ito ay kaugnay sa naging pahayag ng dating alkalde Ramon Talaga na hindi kailangan magpatayo pa nito sa Lucena gayong mayroon naman malapit sa kapitolyo na nasasakop din ng lungsod.

“Ito ay isang highly urbanized city na hindi naman tayo kailangan umasa pa sa probinsya para makagamit ng Quezon Convention Center kaya pinalano po ni Mayor Dondon Alcala at ito ay sinoportahan ng mga konsehal para magtayo ng isang sariling convention center at hindi lang po Lungsod ng Lucena ang nagtatayo ng convention center iba’t ibang siyudad na po sa kamaynilaan, sa iba’t ibang probinsya at ibang mga highly urbanized city ang may sariling convention center,” pahayag ni Alcala.

Ayon pa sa city Administrator, sa lumalagong populasyon ng lungsod, maraming pwedeng paggamitan ng itinatayong convention center. Mapakikinabangan din daw ito sa mahabang panahon.

“Maraming sektor ang nangangailangan ng mga lugar na pagaganapan ng mga importanteng activities ang laki na po ng Lungsod ng Lucena. Tama lang po na magkaroon tayo ng isang Convention Center ito ay mapapakinabangan natin in a long term,” dagdag pa ni Alcala.

Taliwas naman ito sa sinasabi ni Talaga na dapat daw ang budget na pinapagawa nito ay ilaan nalang sa mga urban poor pero ayon kay Alcala ang lokal na gobyerno ng Lucena ay may nakalaan pondo at programa para sa urban poor.