Pamasahe sa jeep, balik P9.00, ilang Lucenahin nagpahayag ng opinyon

0
629

Kung ang tsuper na si Delfin ang tatanungin hindi siya pabor sa ipinag-utos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pansamantalang ibalik sa P9.00 ang minimum na pasahe sa mga jeepney.

Katuwiran niya, gasoline lang naman daw ang bumaba at hindi ang spare parts ng mga sasakyan

Sa isang resolusyon, inutos ng LTFRB na ibaba sa P9.00 ang minimum fare ng mga jeep na pumapasada sa Metro Manila, Central Luzon, MIMAROPA, at CALABARZON mula sa kasalukuyang P10.00.

“Pwede namang magbaba kasi mababa na ang diesel. Hindi naman ako maapektuhan ewan ko sa ibang kasamahan ko,” pahayag ni Dante, driver.

Ito’y bunsod daw ng pagbaba ng presyo ng petrolyo na ikinatuwa naman ng ilang mananakay.

“Dapat talaga po magbaba na kasi sobrang laki na po ng pamasahe,” pahayag ni Juvy, isang mananakay.

Pero giit ng pasaherong si Dante dapat daw itong ibalik sa P8.00

“Dapat ay ibaba ‘yon sa P8.00 at hindi sa P9.00 ay kasi ang presyo ngayon ay P36.00 na lang ‘di ba may rollback ulit na dalawang piso,” pahayag niya.

Epektibo ang bawas pasahe kapag nailathala na sa mga pahayagan ang resolusyon sa araw ng Martes.

Samantala, nagreklamo naman ang mga transport group dahil naglabas ng desisyon ang LTFRB kahit walang pagdinig.