Pawikan Festival isinagawa sa Naic, Cavite

Isinelebra sa Lalawigan ng Cavite ang taunang Pawikan Festival sa bayan ng Naic upang maimulat ang kamalayan hindi lamang ng lokal na komunidad kundi maging ng iba’t ibang stakeholders sa buong Cavite. Ang selebrasyon ngayong taon ay ang ika-anim na taon na at sinusuportahan ng lokal na pamahalaan katuwang ang Department of Environment and Natural Resources-Manila Bay Coordinating Office. Sinimulan noong 2011 sa pamamagitan ng isang pagsasanay ay nakapagligtas ang lokal na pamahalaan ng mahigit isang libo walong daang itlog ng pawikan, dalawang libo apat na raan naman sa kasunod na taon at patuloy na lumalaki hanggang sa taong kasalukuyan sa iba’t ibang coastal barangays ng Naic at iba pang munisipalidad at Lungsod sa lalawigan ng Cavite. Ngayong taon, ang highlight ng selebrasyon ay ang pagpapakawala ng mahigit apatnapung hatchlings o baby pawikan sa Coastal area ng Naic, Cavite.

Ang taunang selebrasyon ay nagsasagawa ng mga trainings at seminar ukol sa pangangalaga ng mga pawikan. Nagkakaroon din ng boat race na sinasalihan ng mga mangingisda, poster making contest para sa mga kabataan at Dance Contest. Dinaluhan ng nasa limang daang representante ang aktibidad mula sa mga lokal na pamahalaan, DENR, PNP Maritime, BJMP, Philippine Coast Guards at iba pa.