Publiko pinag-iingat ng DTI sa mga taong gumagala at nagbebenta ng safety devices para sa LPG

Nagpaalala ang Department of Trade and Industry tungkol sa ilang indibidwal na umiikot sa CALABARZON Region at nagbabahay-bahay upang mag-inspeksyon umano ng mga tangke ng LPG kung ang mga ito ay may leak o wala. Sa impormasyon at mga sumbong na nakarating sa DTI, matapos anilang mag-check ng mga LPG tanks ay kadalasang sasabihin ng mga ito na may leak o delikado ang LPG sabay alok ng kanilang ibinebentang device na diumano’y makakatulong upang maging ligtas ang paggamit ng mga LPG tanks. Upang makumbinsi ay gagamitin anila ng mga nagbebentang ito ang mga ahensya ng DTI at Department of Energy at sasabihing aprubado o inirerekomenda itong gamitin ng mga ahensya.

Payo pa ng Department of Trade and Industry ay mas mainam na magtanong sa mga LPG dealers kung papaano maiiwasan ang leak sa mga tangke ng LPG.

Samantala payo naman ng isang LPG distributor sa lalawigan ng Quezon, upang maiwasan ang leak ng LPG ay regular na tignan ang hose mula regulator sa tangke patungong kalan. Palagiang linisin ang hose at regulator tuwing magpapalit ng LPG para hindi maipunan ng dumi at alikabok ang mga gomang sumisiguro na selyado ang regulator. Bumili din anila ng dekalidad na regulator at hose na naka disenyo para sa LPG.