Quezon Governor humingi ng tulong sa PNP at AFP

Humingi ng tulong sa kapulisan at Armed Forces of the Philippines ang pamahalaang panlalawigan ng Quezon upang mapigilan ang umano’y pangha-harass ng mga New People’s Army o NPA sa mga contractor sa lalawigan. Ayon kay Governor David Suarez, sa isinagawang Peace and Order Council Meeting kamakailan ay ilang kontraktor na ang umatras dahil sa takot na harasin din ng komunistang grupo. Sinabi ni Suarez na kailangan ng pamahalaan ng tulong mula sa PNP at AFP para sa seguridad upang maipagpatuloy ang mga proyekto katulad na lamang ng pagsasaayos ng mga school building, mga tulay sa iba’t ibang bayan ng lalawigan ng Quezon at mga road projects.

Bilang tugon naman sa gobernador, sinabi ni Quezon PNP Chief, Senior Superintendent Rhoderick Armamento at Southern Luzon Command Chief, Lt. Gen. Danilo Pamonag na handa ang kanilang mga tauhan upang tumulong sa seguridad lalo na sa mga lugar na sinasabing may impluwensya ng mg rebelde. Idinagdag pa ni SOLCOM Chief Pamonag na ang mga miyembro ng CAFGU o Citizen Armed Forces Geographical Unit sa lalawigan ay sumailalim sa isang espesyal na pagsasanay upang makatulong sa pag-asiste sa pamahalaan.