Quezon PPO tumanggap ng pagkilala

Itinanghal na Outstanding Police Provincial Office sa buong CALABARZON Region ang Quezon Police Provincial Office kamakailan. Iginawad ang parangal na sa isinagawang pagdiriwang ng Police Community Relations (PCR) Month sa Camp Vicente Lim sa Calamba, Lalawigan ng Laguna. Tinanggap ni Acting Police Provincial Director Rhoderick Armamento ang award na mula kay Regional Director Police Chief Superintendent Mao Aplasca. Dumalo rin sa okasyon si ng NAPOLCOM Region 4A Regional Director Angelito Ravanera. Pinarangalan din ang mga tauhan ng QPPO na sina Police Chief Inspector Elena Eleazar bilang Outstanding PNP Provincial Public Information Officer, Non Uniformed Personnel (NUP) Shirley Lorico bilang Outstanding NUP for Public Information, at SPO4 Josie Cueto.

Nakamit naman ng Police Community Relations Branch Police Non-Commisioned Officer (PCRB PNCO) ang Medalya ng Papuri dahilan sa dedikasyon at taus puso nitong pagseserbisyo na nagdaragdag ng pagkamit sa mga layunin at adhikain ng PRO Calabarzon. Pangalwa na ito na nakamit ng QPPO dahil na rin sa seryosong kampanya ng ahensya sa pagsugpo sa illegal na droga at iba pang uri ng kriminalidad. Tiniyak rin ng pamunuan ng QPPO na patuloy nilang gagawin ang lahat upang maging ligtas ang mga mamamayan sa anumang uri ng krimen.