Quezonians, dahilan ng matagumpay na administrasyon ng pamahalaang panlalawigan – Gov. Suarez

“Kung hindi niyo pa kami ipinangampanya, kung hindi niyo po binantayan ang balota, at sinigurong hindi mananalo si Gov. Jayjay Suarez, lahat po ng napanood niyo ay hindi magagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon kayo po ang naging dahilan kung bakit matagumpay ang ating administrasyon,”  ito ang inihayag ni Quezon Governor David Suarez sa harap ng mga Grupo ng Luntiang Katipunero at ng mga miyembro ng Provincial Union of Leaders Against Illegality o PULI sa Lalawigan ng Quezon sa pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lucena City.

Sinabi pa ng gobernador, hindi pa tapos ang kanyang laban patungo sa tagumpay dahil marami pa siyang kailangang gawin at ipatupad na programa sa probinsya.

“…naniniwala tayo mga kasama na karapatan ng Lalawigan ng Quezon na mabuhay sa isang lalawigan na maunlad, sa isang lalawigan na matahimik, at sa isang lalawigan kung saan nakakamit ng ating mga anak ang kanilang mga pinapangarap sa buhay,” dagdag ni Suarez.

Paliwanag ng gobernador, ang Provincial Union of Leaders Against Illegality o PULI ay kalaban ang lahat ng iligal tulad ng ipinagbabawal na gamot, at kurapsyon.