Registration para sa birth certificates inilapit sa mamamayan ng Sto. Tomas sa Lalawigan ng Batangas

Nagsagawa ng aktibidad ang Civil Registrar’s Office ng Bayan ng Sto. Tomas sa lalawigan ng Batangas upang matulungan ang kanilang mga kababayan. Sa programang pinamunuan ng hepe ng lokal na ahensya, Ms. Leiulani M. Ezcarez ay sinabi nitong taon-taon ay kanilang ginagawa ang LCR Mobile Registration sa buong bayan ng Sto. Tomas. Libre anyang makakapag-patala at makakakuha ng birth certificate ang mga Tomasinong pupunta sa kanilang mobile office. Ayon pa sa civil registrar chief ay walang pinipili ang kanilang opisina sa pagbibigay ng birth certificate, mga kabataan, senior citizen at mga ama at ina ng kanilang bayan ay masusing pinagsisilbihan. Mayroon ding libreng pagpapa-notaryo sa isinasagawang mobile registration upang hindi na lumayo pa ang mga kliyente ng kanilang opisina kung mangangailangan ng mga notaryadong dokumento.

Mahalagang dokumento para sa mga pinoy ang Birth Certificate. Kadalasang ginagamit ito sa mga eskwelahan para sa mga kabataan at hinahanap din na dokumento para sa mga nais magpakasal. Sa mga naghahanap naman ng trabaho at iba pang transaksyon ay ginagamit ang birth certificate upang makumpirma ang kanilang edad at iba pang detalye na makukuha lamang sa dokumento.