Reklamo ng mananakay na pagtanggi ng mga tricycle drivers, pila ang solusyon ng TFRO

Nilagyan na rin ng pila ang mga pasahero ng tricycle sa Lucena City Public Market bilang tugon sa marami-rami na ring reklamo ng mga mananakay na tinatanggihan sila ng mga namamasadang tricycle kung malayo ang destinasyon.

Ayon kay TFRO Chief Noriel Obcemea, itinulad niya ang pila ng mga pasahero sa iba pang pampublikong transportasyon tulad ng mga bus at jeep. Kung saan kung sinong pasahero ang mapatapat sa nakapila ring tricycle ay ihahatid ito kung saan man ang destinasyon.

Naging maganda naman anya ang resulta ng ginawang paraan ng TFRO at kung sakali man na mayroong tumanggi sa pagsasakay sa pasahero ayon pa rin kay Obcemea ay pinapaalis na nila ito sa terminal ng tricycle at hindi na pinapipila pa.

Hindi rin daw nauubos ang mga nasa terminal na tricycle di katulad noong mga nakaraang araw na kinakailangan pa anyang tumawag ng jeep ang TFRO para maihatid ang mga pasaherong naghihintay sa pampublikong pamilihan ng Lucena.