Retiradong tauhan ng BJMP, arestado matapos mahulihan ng iligal na droga

Arestado ang retiradong tauhan ng BJMP at isang kasama nito matapos mahulihan ng iligal na droga sa Lucena City.

Sa report ng pulisya, 6:46 ng gabi ng January 29, sa pinagsanib na pwersa ng Lucena Drug Enforcement Unit, Provincial Drug Enforcement Unit, at PDEA sa Abellanosa St. Brgy. 5, Lungsod ng Lucena. Target ng buy-bust operation ang mga suspek na sina Jerry Provido retiradong BJMP personnel at Alfredo Cabigunda pawang residente ng nabanggit na lugar kabilang sa mga drug watchlist ng Lucena PNP.

Ayon sa pulisya, nang magpositibo at makabili ng umano’y shabu ang pulis na nagpanggap na buyer sa mga suspek, hindi na sila nakapalag pa nang arestuhin ng operatiba.

Limang sachet na may lamang pinaniniwalaang shabu ang nakumpiska sa mga ito. Nakuha rin ang isang 500-peso bill na nagsilbing marked money. Ang mga suspek ay kasalukuyang nakaditine sa Lucena City Police Station Custodial Facility at kahaharapin ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act.