Solusyon sa problema sa tubig, hindi dapat nakasentro sa Kaliwa Dam – Sen. Hontiveros

“Marami pang mga panukala kung paano tugunan ang tubig sa Metro Manila at Luzon na hindi kinakailangang nakasentro lang sa iisang dam.”

Ito ang ipinahayag ni Sen. Risa Hontiveros sa naging pagbisita niya sa Lungsod ng Lucena bilang pagbabahagi ng mga adbokasiya at pangangampanya na rin para sa Akbayan Party list.

Ayon pa sa mambabatas, kulang pa ang pag-aaral sa Kaliwa Dam partikular sa epekto nito sa kalikasan at sa mga katutubo lalo na sa mga Dumagat na naninirahan sa pagtatayuan nito.

Kinuwesyon din ni Hontiveros ang pagpabor sa China ng kontrata kahit na may alok mula sa ibang bansa na mas mababang halaga.

Samantala, nanindigan naman ang senador na hindi pa tapos ang laban sa Kaliwa Dam at ilalaban pa rin nila ito sa senado.