SPES program ng DOLE kapartner ang mga lokal na pamahalaan sa lalawigan umabot sa 2,000 ang nakinabang na kabataan

Iniulat ng panlalawigang tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na umabot na sa 2,000 benipisyaryo ng Special Program for Employment of Students (SPES) na ipinatutupad ng DOLE-Quezon ngayong taong 2017 katuwang ang may 22 munisipalidad sa lalawigan ng Quezon

Pangunahing layunin ng SPES na mabigyan ng pangsamantalang trabaho ang mga mahihirap subalit matatalinong mag-aaral sa high school at college ngayong summer vacation upang matugunan ng mga kabataang mag-aaral ang kanilang mga kagastusan sa muling pagbubukas ng klase gayundin upang makatapos ng pag-aaral.

Ayon kay Genecille Aguirre, employment focal person ng DOLE-Quezon ang mga bayan na nakiisa sa pagpapatupad ng SPES at naglaan din ng pondo o counter-part fund para sa sweldo ng mga mag-aaral sa kanilang pagtatrabaho ay ang mga bayan ng Atimonan, Alabat, Gumaca, Lopez, Tagkawayan, Guinayangan, Calauag, Burdeos, Infanta, Real, Panukulan, Patnannungan, Sampaloc, Unisan, Mulanay, Macalaleon, Padre Burgos, Candelaria, Pitogo, Mauban at Pagbilao, Quezon.

Ang mga mag-aaral na may edad na 15 hanggang 30 taon ay nagtatrabaho walong oras kada araw sa mga lokal na pamahalaan . Ang sweldo na tatanggapin ng mga mag-aaral ay magmumula sa mga lokal na pamahalaan at sa DOLE.