Suporta sa Day Care Workers: Mga kagamitan ipinamahagi ng Lucena City Government

Namahagi ang pamahalaang panglungsod ng Lucena ng mga kagamitan sa mga day care workers kamakailan. Ginanap ang aktibidad sa reception and action center sa bahagi ng Zaballero Subdivision. Sa pakikipag-ugnayan ng City Social Welfare and Development Office sa pangunguna ni Malou Maralit sa local na pamahalaan ay muling nakakuha ng kinakailangang supplies ang mga day care workers. May kabuuang bilang na 30 set ng gamit ang ibinigay na kanilang magagamit sa pagpapantili ng kalinisan ng kani-kanilang pasilidad. Dagdag pa dito ang mga kagamitan gaya ng cartolina, chalk at iba pa para sa kanilang pagtuturo sa mga day care students.

Sa pagsasalita ni Mayor Alcala ay sinabi nito kay Maralit mga kasamahan nito na ipaalam sa kaniya ang kanilang mga pangangailangan at agad itong sasabihin kay City Budget Officer Rosie Castillo upang malaman kung makapaglalaan ng pondo para dito. Malaking bagay para sa mga day care centers ng lungsod ang mga kagamitan kaya taos-puso ang pasasalamat ng mga ito sa Pamahalaang Panlungsod.