Tañada, tutol sa implementasyon ng gyera kontra droga ng administrasyon

Tinututulan ni dating Quezon 4th district representative at tumatakbo ngayong senador Erin Tañada ang pamamaraan ng administrasyon sa gyera kontra sa iligal na droga.

Sa eksklusibong panayam ni Konsehal Nicanor Manong Nick Pedro Jr sa programang political agenda ng 89.3 FM at Bandilyo TV, ipinaliwanag ni Tañada na pabor siya na puksain ang bawal na gamot ngunit dapat ding pairalin ang tamang proseso sa mga naaaresto.

Aniya, karamihan sa mga napapatay sa operasyon ay pawang mahihirap at walang nababalitaang nahuhuling malalaking taong may kaugnayan sa iligal na gawain.

Dagdag pa ng senatorial aspirant, wala pa ring nakakasuhan sa mga nasabat na big time shipments tulad nang nangyari sa Cavite at Maynila kung saan narekober ang bilyong halaga ng shabu sa mga magneting filters.

Pinaalalahanan naman niya ang publiko na dapat tutukan ang war on drugs na ito ng administrasyong Duterte dahil sa hindi pantay na pagtingin sa mahihirap at mayayaman.

Mapapanood ang kabuang panayam kay Erin Tañada sa programang Political Agenda ng Bandilyo TV at mapakikinggan sa 89.3 FM Max Radio sa darating na Sabado, ika-9 ng Marso, alas sais ng umaga.