TFRO Lucena dapat ipatupad ang mga ordinansa

Tinawag na ng Sangguniang Panglungsod ng Lucena at atensyon ng TFRO o Tricycle Franchising Regulatory Office upang alamin kung ipinapatupad ba o hindi ang mga lokal na batas para sa mga tricycle sa lungsod. Ayon kay Kon. William Noche isa anya sa kailangang ipatupad ay ang standard na sukat ng sidecar ng mga tricycle upang maging convenient para sa mga pasahero ang pagsakay sa mga ito. Mayroon anyang batas o ordinansang naipasa noon pang nakaraang Sanggunian na ngayon ay kailangang ipatupad. Sinabi ni Kon. Noche na nakasaad sa ordinansa ang tamang sukat ng sidecar na kailangang sundin ng mga operator. Kaisa rin si Kon. Noche sa nauna nang pribelehiyong pananalita ni Kon. Manong Nick Pedro na kailangang ipatupad ang mga batas na naipasa ng Sanggunian Panglungsod ng mga ahensyang dapat magpatupad nito. Katulad na lamang ng TFRO, ayon kay Noche ay dapat higpitan ang pagpapatupad ng batas tungkol sa tamang sukat ng tricycle upang ma-enjoy aniya ng mananakay ang biyahe sa halip na mahirapan.

Sa mga nakaraang panahon ay nagpaabot na rin ng kanilang hinaing ang karaniwang Lucenahin ukol sa sukat ng sidecar ng mga tricycle. Mayroon anilang sobrang baba ng mga sidecar at napakahirap umupo dahil umaabot na o sayad na sayad na ang ulo ng pasahero sa bubong nito. Ang iba namay nagsasabing nababasa sila kahit mahinang ambon lamang dahil sa halos walang pangharang o butas butas ang disenyo ng mga sidecar ng tricycle. Sa nakalap namang impormasyon ng Bandilyo TV, ang maba-babang sidecar na ito ay kadalasang ginagamit ng ilang magta-tricycle na ipingka-karera ang kanilang mga sasakyan.