Vapes at E-Cigarettes balak i-regulate

Bagaman hindi sakop ng nationwide smoking ban, target ng Department of Health (DOH) na maisailalim sa regulasyon ang paggamit ng mga electronic cigarettes at vaporizers. Ayon kay Health Sec. Paulyn Ubial, maaring maglabas na lang sila ng hiwalay na kautusan kaugnay nito tulad ng isang Food and Drug Administration (FDA) order. Aniya, sinimulan na ng DOH at FDA ang posibilidad ng paglalabas ng kautusan tungkol sa paggamit ng e-cigarettes at vaporizers.

Sa inilabas na Advisory No. 2013-008 ng FDA, inabisuhan nila ang publiko laban sa paggamit ng e-cigarettes dahil taliwas ito sa layunin na maihinto na ang paggamit sa sigarilyo. Hindi naman maaring maipagbawal ang mga e-cigarettes at vapes sa Executive Order 26 ng pangulo kaugnay ng nationwide smoking ban, dahil hindi rin naman sakop ng Republic Act No. 9211 o Tobacco Regulation Act of 2003 ang mga ito. Maari aniya itong magkaroon ng problema sa legalidad dahil pawang non-tobacco products ang mga e-cigarettes at vapes.